
Minsan, nakakita ako ng anghel. Bago siya lumipad, nag-iwan siya ng pulang rosas. Nang umalis siya, pinulot ko iyon. Naisipan kong itago iyon sa isang bote.
Kaya naghanap ako ng isang bote. Iyong bote na nakuha ko ay makipot ang leeg.
Naisuksok sa makipot na leeg ng bote ang rosas. Nang malaglag ang rosas sa katawan ng bote, bumuka muli ang mga talulot nito.
Pero hindi nararapat sa isang bote ang isang rosas ka katulad niyon. Masyadong mahiwaga ang ganda ng rosas para ikulong sa isang pangit na boteng may makipot na leeg.
Pero kung gaanong kadali ipasok ang rosas sa makipot na leeg ng bote, ganoon naman ito kahirap. Kung pipilitin ko itong hilain palabas, masisira ang mga talulot nito.
Dalawang bagay lang ang maari kong gawin ngayon.
Maari kong basagin ang bote,
o kaya'y hintayin na lang na tuluyang mamatay ang rosas sa loob nito.

Kung ito ang nais mo...
Ano pa ba't
Nanaisin ko na rin
Kung ito ang nais mo...
Pero kung inaakala mong
Mabubura nito ang pagtangi ko sa 'yo,
Lalo kitang iniibig ngayon
Anuman ang nais mo.
Kung ito ang nais mo,
Ano pa ba't
Nanaisin ko na rin
Kung ito ang nais mo,
Subalit ipangako mong
Muling ngingiti ang mga labi mo
At hindi na maglalakad nang nakayuko,
Kung ito ang nais mo,
Para sa iyo
Maglalaho ako
Sa mundo mo.
Currently listening to: Only Love Can Do by Trademark

Napakainit ng mga ngiti mo
Tulad ng banayad na pagdulas ng kumot sa nanginginig kong braso
Na pupulutin kong muli upang ibalabal sa mga balikat kong
Nakasandal sa malalamig na bato
Ngunit sadyang maulan sa dalampasigang ito
At rin hindi magtatagal ang init mula sa kumot
Na ibinalabal mo sa katawan kong nilunod ng hapo
Subalit nais ko pang muling lumangoy
Sa dagat kung saan naroon ang init ng mga ngiti mo,
At minsan pa'y muli akong malunod,
At minsan pa'y muli akong malango
Sa pag-ibig mo.

iba pa rin ang amoy ng buhok mo kung dumaan sa tarangkahan ng aking diwang laging nalalango,
iba pa rin ang huni ng gitara kung ikaw ang tumitipa ng magiliw na tunog,
maging ang kamay mong minsa'y sumasagi sa aking balat kung iaabot ang baso
o ang panulat kong hiniram mo,
ang pait at tamis ng kapeng ikaw ang nagtimpla't naghalo,
iba pa rin ang mga mata mong nakagagalugad kahit na sa pinakamaliit kong nunal sa batok,
at iba pa rin kung ikaw ang lulukot sa kumot at unang ngayo'y itinatabi ko na sa kahon,
ang lapad ng balikat mong bumabangga sa aking katawan kung hahalikan mo akong nananabik, tiim ang mata't sapo ang aking leeg at ulong pilit kong itinutulak palapit sa'yo
ay nakikilala ng mga luha ko
at kung umaga'y hinahanap pa rin ng aking mga braso ang masisiim na haplos at daplis ng labi mong bumubulong sa aking ng mga pangako
na pinaniniwalaan ko.
iba pa rin, mahal ko, kung ang mga palad mo ang nagkakanlong sa mga pisngi kong nilulunod ng mga alaalang inukit mo
iba pa rin kung ang hininga mo ang nalalanghap sa mga gabing hindi ko nais matulog,
kung narito ka't niyayakap ako kung katawa'y nanginginig sa lamig o tako,
mahal, iba pa rin talaga,
ibang-iba ang lahat.

Pumaroon ako sa asotea
at sinalubong ng hanging
tumapon sa aking mukha
at nang lumingon
ako sa may bulwagan,
nilunod ng dagat
ang kanilang mga halakhakan
muntik na nila akong matapakan,
alam mo ba?
napunit nga ang lahat
ng mga sugat ko sa paa
sa kakailag sa kanila
mahal, hanapin mo ako,
narito ako
sa asotea.
sana'y nagsuot ako ng bistida
at nagkoloreta sa mukha
para kung maghanap ka
ng maisasayaw sa bulwagan
maging isa man lang ako
sa iyong pagpipilian.

